Searching for the Impossibility and Gulo

Author’s Note: Two poems I wrote in the same day, one in English and the other in Filipino. They’re not a translation of each other but both are pertaining to one topic. I wrote this after I failed Level 2 of CFA Exam. During this time, I don’t know if I should still go on or just do other things. This was also during the years when I was so confused and looking for my passion. Here goes… p.s. I posted this in 2013, reposting it to add tags.

Searching for the Impossibility

A depressing thought inside my head
What’s going on? I cannot comprehend
Can’t leave all these things behind
Keep hunting me even when I try to hide

Nowhere to go, what path to take?
Where am I going in this mess?
Nowhere to run, I badly need a break
Cause I’ve been trying to find the exit in this maze

All I want is to make everything fine
Yet this is impossible this time
Am I an idealist? Probably yes
Is it not right to always hope for the best?

I want to escape, I want to scream
I want to search for my inner peace
I don’t want to be confused – left in the dark
I don’t need these headaches – please let me out

Gulo

Ang lungkot ng buhay kapag walang patutunguhan
Di mawari kung ano ang nasa aking isipan
Pinipilit isaayos ang mga bagay-bagay
Ngunit sa twing aking susubukan tila ba wala namang saysay

O kay gulo nitong aking katayuan
Para ba’ng pagninilay-nilay na wala ng katapusan
Kailan kaya mahahanap ang kapayapaan
Sana bukas paggising ko, mayroon na akong kasagutan

– written on September 4, 2007

Advertisements

Choose Your Own Adventure

Ang buhay nga naman, parang choose your own adventure book, di mo malalaman kung ano ang susunod na mangyayari hangga’t di ka pumipili ng desisyon at buklatin ang mga susunod na pahina.

Tulad ngayong umaga, may 2 akong stockings, sabi ko etong isa ang gagamitin ko kasi bago. Ang sumunod na pahina, nalalaglag ang stockings kasi sira pala ang garter nito. Adventure, hindi ba… Game over na ang kasunod kapag tuluyan ng malaglag sa tuhod ko ang stockings! Kaso hindi choose your own adventure book ang buhay. Sa libro, pwede kang magsimula ulit at sa pangalawang pagkakataon ay pipiliin na ang tamang desisyon kasi alam mo na ang magiging epekto ng isa. Kung sigurista ka at ayaw mong magbasa ulit, maaari mo ring silipin ang mga susunod na pangyayari para matulungan na sa pagpili ng tama. Sa buhay, walang repeat, walang preview, at bawal ang cheating. Kinakailangang pumili ng desisyon nang di mo alam ang kahahantungan at dapat basahin ang susunod na pahina kahit  pa humarap sa posibilidad na akala mong game over na.

Kwentong stockings ulit: Buti na lang may decision matrix ulit: (1) hubarin na lang ang stockings at buklatin ang libro sa pahina 25 (2) walang ibang gawin at buklatin ang libro sa pahina 40. Pinili ko ang (1) kahit alam kong lalamigin ako at baka mapaltos ang mga paa. Pero pagbuklat ko sa pahina 25, may dumating na saklolo at dinalhan ako ng medyas para hindi mapaltos ang paa sa mga sapatos at sa dulo, hindi rin naman ako nilamig. Nung sinilip ko ang pahina 40, buong araw akong di komportable at sa maya’t mayang papupulong sa buong araw eh napansin ng boss ko na nalaglag ang stockings ko… GAME OVER, panindigan ang kahihiyan, walang balikan!

Sa pagpili ng desisyon sa choose your own adventure book, nilalagay mo ang lahat ng pananalig mo sa may akda ng libro, umaasang magiging maayos ang kinahinatnan at sana ay hindi pa game over. Parang buhay diba? May pinagkaparehas pero hindi rin… Dahil eto pa ang isang pinagkaiba ng buhay sa librong nabanggit. Sa buhay walang game over, tuloy-tuloy lang. Puro continue kaso walang balikan. Sa bawat katapusan ng kabanata ay laging may decision matrix. Minsan, akala mo game over na, pero may mahalagang footnote pala na di mo pinansin at binasa. At kahit kung saang direksyon pa mapadpad at sa kahit ano pang pahina ng buhay mapunta, sa huli ay iisa lamang ang magiging katapusan. Yan ang destiny! Kinakailangan lang manalig at magtiwala sa May Akda ng ating buhay patungo rito. Sa oras na binitawan mo ang pagbabasa at tuluyan mong isinara ang aklat ng hindi pa ito natatapos, ikaw din ang siguradong talo! Ayaw mo na ng continue? 10, 9, 8… GAME OVER!!!

Patuloy lang sa pagbuklat ng pahina…
Patuloy lang sa pagpili ng desisyon, tama man o mali…
Sa huli, laging mas makahulugan ang paglalakbay…
Sa huli, lahat tayo ay may mapapala…
Bawal bumitaw! Bawal isara ang aklat ng buhay!

– isinulat noong Oktubre 26, 2011

Tag-laming Na Naman

DSC02421

Dumidilim ang paligid, makulimlim
Mga ulap unti-unti ng nagiging itim
Tila nagyeyelong ihip ng hangin
Mahabang gabi ang sumasalamin

Haring araw, di na naman masisilayan
Wala ng liwanag na bumabalot sa kalangitan
Mga puno’y lanta at di bumubunga
Tulad ko na nawawalan na rin ng sigla

Mga nyebe’y nagsisimula ng pumatak
Pinapawi nito ang aking galak
Mahabang tag-lamig heto na
Katawan at isipan, handa na ba?

Parating na ang panahon ng tag-lamig
Pati puso’t diwa ko’y tiyak na manginginig
Ilang bukas pa kaya ang aking bibilangin
Sa muling pagsikat ng araw na siyang bubungad sa akin?

– isinulat noong Disyembre 1, 2011

Lampang Manunulat

Eto ang dahilan kung bakit lampang manunulat ang pangalan ng blog ko…

IMG00351-20130102-1811

Gusto kong magsulat!

Gusto kong magsulat ng kahit ano lang. Gusto kong pagsama-samahin ang mga salita para makabuo ng isang makabuluhang tula o sanaysay. Gusto kong ilabas ang saloobin sa pagtipak ng bawat letra sa aking laptop o cellphone. Kahit walang tiyak na paksa, kahit parang walang patutunguhan, basta, gusto ko lang magsulat.

Ang pagsusulat ay isang sining. Maihahalintulad ito sa pagguhit ng disenyo o kaya pagpinta ng larawan o iba pang mga bagay na kinakailangang kanang parte ng utak ang siyang gumagana. Hindi ito isang agham, walang tuntunin, walang tama o mali, walang saktong sagot. Lahat ng isininasaad ng manunulat ay maaaring magkaroon ng iba’t-ibang kahulugang naaayon sa mambabasa. Dahil freestyle, ito na rin ang pagsubok ng ganitong pamamaraan ng pagsusulat – paano maibabahagi at magkakaroon ng mga saysay ang mga talata?

Ito ang tunay kong hangarin sa buhay. Nais kong makapaglathala ng libro na magsisilbing koleksyon ng aking mga akda. O di kaya nama’y mailathala ang ilan sa aking mga tula sa pahayagan o mga babasahin. Ngunit paano ko kaya ito matutupad kung wala akong lakas ng loob na ipakita ang aking mga nilikha? Maski ilabas lang sa isang blog ay di ko pa magawa. Nag-iipon pa ko ng malupit na lakas sa twing ilalagay ko ito sa aking facebook page. Mananatili na lang bang pangarap ang lahat?

Sa kinasamaang palad, hindi ko agad nalaman na ito pala talaga ang nais ko sa buhay. Kung aking babalikan, hindi ko na rin matiyak kung kailan ko napagtanto na gusto ko pa lang maging manunulat. Ngayon, alam ko na, ano na ang aking dapat gawin? Hindi pa naman huli ang lahat, hindi ba?

Isa akong CPA sa Pilipinas, pinili ko ang propesyon na ito sa inaakalang yayaman ako at magagamit ko ang galing ko sa Math dito. Hindi ko akalain na kabaliktaran pala ang lahat at ang pinakamalungkot na katotohanan ay hindi pala ako matutuwa rito. Madaming gumulo sa utak at dumaan ang mga taon na hindi ko alam ang gusto kong gawin. Nagpasya akong lumipat ng ibang larangan at ito ay wala pa ring koneksyon sa pagsusulat. Nasa propesyon na ako ng Finance dito sa Canada sa kasalukuyan. Hindi ko naman ito ayaw, kung tutuusin gusto ko naman ang ginagawa ko ngunit mayroon talagang kulang. Bago pa lumipat ng Canada, alam kong nais ko ng magsulat. At dito na sa Canada nang nabatid ko na wala pala talaga akong hangarin na maging boss ng aming kumpanya. Ngunit bakit kaya halos patayin ko na ang sarili ko sa pagtatrabaho at pag-aaral ng CFA? Bagay na maaaring kalimutan ko lang sa aking pagtanda. Bagay na alam kong maaari kong ipagpaliban kapag nagkalakas na ng loob. Bagay na alam kong hindi magiging sukatan ng aking tagumpay…

Nakakatuwang isipin na madadagdagan ng “, CFA” ang aking pangalan o di kaya nama’y umangat sa kumpanya ngunit ibang kasiyahan ang naidudulot sa twing naiisip ko na mayroon akong mga mambabasang nagagandahan sa aking mga akda. Pitong taon na ang ginugol ko sa CFA, mag-iiba kaya ang takbo ng aking buhay kung sa halip ay hinasa ko na lang ang aking talento sa pagsusulat?

Di hamak talagang mas masaya ako kapag kanang parte ng aking utak ang gumagana. Gusto kong maging alagad ng sining! Gusto kong palawakin ang aking talasalitaan at magkaroon ng mga samu’t saring inspirasyon na paghuhugutan ng mga ideya sa pagsusulat! Kung malaki lang talaga ang kikitain ko sa pagsusulat, di na ko magaaksaya pa ng panahon sa aking hanap-buhay. Ngunit paano ko malalaman na walang kita ang pagsusulat kung di ko ito susubukan? Kaya ko bang isantabi na lang ang aking hanap-buhay?

Bukod sa pera at tapang, anu-ano nga ba ang kinakailangan para makagawa ng isang libro? Kailangan ng editor, ng publisher, at syempre mga mambabasa na may kakayanan at gustong magbayad para sa libro. Hmmm… saan naman ako makakakuha ng matinong editor at publisher? Ang mas tamang tanong ay paano naman magtitiwala ang isang editor at publisher sa akin? Kailangan gumawa na ko ng hakbang para makamit ang adhikain ko. Ang aking unang hakbang ay dapat pagbutihin pa ang pagsusulat sa pamamagitan ng pag-aaral o di kaya’y pagbabasa ng mga iba’t-ibang libro. Bumili nga ako ng libro na naglalaman ng lahat ng isinulat ni Edgar Allan Poe ngunit di ko pa ulit ito nabubuklat simula ng binili ko ito ilang lingo na ang nakakalipas. Lahat na lang ay pinagpapabukas dahil sa trabaho at lalong lalo na dahil sa CFA. O CFA, kailan mo ba ako palalayain? Tama ba ang desisyon ko na pinili kita bago ang pagsusulat?

Ang idolo kong si Jose Rizal ang masasabi kong isa sa mga matagumpay at magaling na manunulat kahit idinulot pa nito ang pagkitil sa kanyang buhay. Hindi naman kailangang ibuwis ang buhay upang maging magaling na manunulat. Kasama ng mga makabuluhang likha, ang magaling na manunulat ay kayang ipabasa ang mga ginawa sa buong mundo at harapin ang lahat ng kritisismo. Magaling na manunulat din kapag kaya nyang maantig ang mga damdamin ng mga mambabasa. Higit sa lahat ay ang makapagbigay ng kontribusyon sa lipunan. Dagdag na lang sa tagumpay kung maging tanyag at maging pangunahing kabuhayan, Nakakalungkot na isiping wala sa akin ang mga katangiaang ito.

Kung kaya ko lang tumayo at panindigan ang lahat ng mga naisulat ko ay siguradong ilalathala ko na ito. Kung kaya ko lang talikuran ang mga pinag-aralan ko ay siguradong ibubuhos ko ang lahat-lahat sa pagsusulat. Kung kaya ko lang pawiin ang lahat ng alinlangan ko ay tiyak gagawa na ako ng hakbang para mapalapit sa aking pangarap. Kung kaya ko lang sana…

Anong silbi ng mga isinulat kung wala naman ibang magbabasa? Kagaya lang ito ng isang libro na hindi naman binubuklat o kanta na wala namang mang-aawit o tugtugin na kailanma’y hindi na mapapakinggan. Habang buhay na lang ba akong isang lampang manunulat?

– isinulat noong Nobyembre 21, 2012